Nagbabala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na kakasuhan ang mga opisyal ng barangay na mapatutunayang humihingi ng bayad para sa quarantine pass at food stub na ipinamamahagi sa mga residente.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, ilang ulat na ang kanilang natanggap mula sa mga mamamayan ukol dito.
Dagdag ng opisyal ay sisiguraduhin niya na mananagot sa batas ang mga mapatutunayang gumawa nito.
“We will impose the law. Wala po kaming kikilingan kahit mayor ka pa o kapitan ng barangay basta napatunayang ikaw ay may sala. In proper due process, mananagot ka,” ayon sa pahayag ng kalihim.
Una nang pinagsabihan ng DILG ang dalawang punong barangay sa Taguig City matapos maningil ng limampung piso bago payagan ang ilang residente na lumabas ng kanilang barangay.
Nananawagan ni Sec. Año sa publiko na isumbong sa DILG ang anumang pananamantalang nangyayari sa kanilang lugar.
Itawag lamang sa DILG Emergency Operations Center hotlines na (02)8876-3454 local 8806/8810 at (02) 8925-0343. — Grace Casin