Breach of protocol sa pagbago sa script ng program sa transparency server, iimbestigahan ng COMELEC

by Radyo La Verdad | May 13, 2016 (Friday) | 1242

COMELEC1
Nanindigan ang Smartmatic na walang epekto sa paglalabas ng resulta ng botohan ang correction sa script o program ng transparency server.

Kanina ipinakita ni Marlon Garcia, project manager ng kumpanya na ang adjustment na ginawa ay upang mapalitaw lamang ang letrang ñ sa pangalan ng ilang kandidato sa halip na question mark.

Ayon naman kay COMELEC Commissioner Rowena Guanzon, kahit hindi apektado ang paglalabas ng resulta ng botohan, lumabag sa protocol ang Smartmatic dahil hindi ipinagpapaalam sa En banc ang anumang gagawing pagbabago sa program.

Dahil dito, bumuo na ng isang komite ang COMELEC na mag-iimbestiga sa insidente.

Depensa naman ng Smartmatic, sa kanilang pagkakaalam magpapa alam lamang sila sa En banc kung major changes ang kanilang gagawin.

Paliwanag ng project manager ng Smartmatic na si Marlon Garcia, dalawang password ang kailangan munang ipasok upang makapagsagawa ng correction sa isang program.

Isang password ang hawak ng Smartmatic at isa naman ang hawak ng COMELEC.

Ngunit para kay dating COMELEC Chairman Sixtro Brillantes hindi na kailangang palakihin pa ang isyu dahil ang opisyal na canvassing para sa president at vice president positions ay sa kongreso isasagawa.

Ayon kay Guanzon, pag aaralan pa ng En banc kung ano ang parusang ipapataw sa Smartmatic, kabilang na kung maaari bang i-disqualify ang kumpanya sa mga future contracts.

(Victor Cosare / UNTV Correspondent)

Tags: , , ,