Hindi pa magkasundo ang mga miyembro ng prosecution team sa mga grounds na kanilang ilalagay sa articles of impeachment laban kay Chief Justice Ma. Lourdes Sereno, kaya hindi pa matutuloy ang nakatakda sanang botohan ng komite bukas.
Ayon kay Impeachment Committee Chairman Reynaldo Umali, ang tiyak pa lang na maisasama nila sa articles of impeachment ay ang isyu ng hindi pasusumite ni Sereno ng SALN, hindi pagbabayad ng tamang buwis at ang pagbili nito ng mamahaling sasakyan.
Target nilang ituloy ang botohan sa Lunes o Martes sa susunod na linggo.
Ayon naman sa minority group, nagpapatunay lang ito na walang malakas na ebidensya ang Kamara laban kay CJ Sereno.
Samantala, kinukunsidera ni Umali na isama bilang miyembro ng prosecution team sina CIBAC Party-list Rep. Sherwin Tugna, Pangasinan Rep. Marlyn Agabas at si dating Private Prosecutor Atty. Biboy Malaya.
Nagboluntaryo din umano ng libreng serbisyo sa prosecution team ang mga dating defense lawyer ni dating Chief Justice Renato Corona na sina Atty. Tranquil Salvador at Atty. Dennis Manalo.
Kasama rin sa grupo si dating Impeachment Court Presiding Justice Senator Juan Ponce Enrile.
( Grace Casin / UNTV Correspondent )