Posibleng mahati ang mga botante sa bicol region sa pagitan nina Senator Chiz Escudero at Camsur Representative Leni Robredo kapag nagdesisyon na ang kongresista na tumakbo bilang bise presidente sa 2016 elections.
Si Cong. Robredo ang isa sa mga pinagpipilian na maka-tandem ni Liberal Party presidential candidate Mar Roxas.
Ayon kay Albay Gov. Joey Salceda, posibleng makuha ni Robredo ang boto sa Camarines Sur na may mahigit isang milyong botante.
Samantalang tiyak na papaboran naman aniya si Sen. Escudero ng kanyang mga kababayan sa Sorsogon na may mahigit apatnaraang libong botante.
Maaring ang senador din ang suportahan ng mga taga Masbate.
Kumpiyansa ang ilang myembro ng Liberal Party na si Rep. Robredo ang magiging running mate ni Roxas.
Ngunit ayon kay Caloocan City Rep. Edgar Erice na kasalukuyang chairman ng LP Committee on Electoral and Political Affairs, hihintayin nila ang magiging desisyon ni Robredo hanggang sa katapusan ng Setyembre.
Una nang sinabi ni Cong. Robredo na hindi ito interesado na tumakbo bilang bise presidente dahil kulang pa umano ang kanyang karanasan sa pulitika at prayoridad niya sa ngayon ang kanyang mga anak.
Tags: 2016 elections, Camarines Sur Rep. Leni Robredo, Senator Chiz Escudero