Border security at scanning capability ng BOC mas pinaigting na at mas pinabilis pa

by Erika Endraca | January 15, 2021 (Friday) | 8231

Mas pinaigting na at mas pinabilis pa ang border security at scanning capability ng Davao International Container Terminal (DICT) dahil sa mga makabagong state of the art portal-type x-ray machine nito na pinasinayaan noong Janury 12, 2021 kasama ang Bureau of Customs.

Ayon sa BOC, mas mahihigitan pa ang maximum inspection capacity ng port sa tulong ng nasabing x-ray machines na ito. Nasa 160 kada oras o 3,840 na containers kada araw ang kayang i-scan ng nasabing x-ray, di hamak na mas mahigit sa dating maximum inspection capacity ng naturang port.

Hindi lang nito mas mahihigpitan ang border security capability ng DICT, mas mabibigyan na rin ng mas maayos na serbisyo at mapapabilis ang clearance ng mga sea freight cargo ng port.

Ngayon ay kailangan na lamang na dumaan sa nakalaang portal ng machine ang mga container truck para ma-scan ang mga ito.

Ang mga nasabing x-ray machines na ito ay bahagi ng 10-point priority program ng ahensya, sa pangunguna ni Commissioner Rey Leonardo B. Guerrero, upang mapalawig pa ang scanning capability ng mga port sa buong bansa.

Sa ngayon ay mayroon nang 13 fully operational na mga x-ray machine ang Collection District XII na handang protektahan ang naturang port laban sa mga ipinagbabawal na mga kalakal, droga, o anomang kontrabando.

(Syrixpaul Remanes | La Verdad Correspondent)

Tags: