Boracay workers, hinikayat ng DENR na lumipat ng tirahan sa labas ng isla

by Radyo La Verdad | October 3, 2018 (Wednesday) | 2753

Nahigitan na ng Boracay Island ang carrying capacity nito batay sa pag-aaral na isinagawa ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Kaya naman upang mapangalagaan ang kalikasan at maging ang kalusugan ng mga turista, residente at trabahador sa isla, hinihikayat ngayon ng kagawaran ang mga establishment owner at workers sa Boracay na lumipat ng tirahan sa labas ng isla.

Batay sa ulat ng DENR, umaabot na sa 55,000 ang bilang ng mga residente at manggagawang naninirahan sa Boracay.

Kapag idaragdag na ito sa bilang ng mga turistang papayagan ng Boracay inter-agency task force na manatili sa isla kada araw, mahigit 15,000 ang sobra nito sa carrying capacity ng Boracay.

Bagay na makakaapekto sa pagmamantine ng kalinisan ng isla at maging ng kalusugan ng mga nakatira at dumarayo rito.

Kabilang sa iminumungkahing mga lugar na lilipatan ay ang barangay ng Caticlan at Sambiray sa bayan ng Malay, Aklan na katapat lamang ng Boracay Island.

Dahil dito, naghahanda na rin ang mga kaukulang barangay upang matugunan ang pangangailangan ng mga lilipat na mga manggagawa mula sa Boracay Island.

Balak din ng mga opisyal ng Barangay Caticlan na magkaroon ng guidelines hinggil sa pag-ooperate ng mga board and lodging houses upang maiwasan ang pagkakaroon ng problema sa lugar.

Samantala, handa namang makipagtulungan ang mga may-ari ng mga establisyemento sa Boracay upang masunod ang carrying capacity ng isla.

Sa ngayon ay maaari pa ring manatili sa kani-kanilang staff houses ang mga manggagawang nagtatrabaho sa Boracay.

Ngunit kapag naiayos na ang mga boarding, lodging houses at iba pang imprastaktura ay palilipatin na rin ang mga ito sa Mainland Aklan upang masunod ang carrying capacity ng Boracay Island.

 

( Vincent Arboleda / UNTV Correspondent )

Tags: , ,