Welcome opportunity para kay Special Assistant to the President Christopher Bong Go ang gagawing imbestigasyon ng Senado ngayong araw hinggil sa Frigate Acquisition Project (FAP) ng Philippine Navy na nagkakahalag ng 15.7 billion pesos.
Ayon kay Presidential spokesperson Secretary Harry Roque, asahan nang sasabihin ni Go ang lahat nitong nalalaman at hihilingin sa Senado ang bukas at transparent na pagdinig.
Una nang nabanggit ng Senate committee on national defense and security kung nangangailangan ng close door executive session dahil sa usaping seguridad.
Subalit handa aniya si Go na sagutin ang lahat ng katanungan in public upang patunayan na wala siyang itinatago at maging ang kasalukuyang administrasyon kaugnay ng mga alegasyon na nakialam umano siya sa naturang proyekto.
Nauna nang binigyang-diin ng Malacañang na ang administrasyon ni dating pangulong Noynoy Aquino ang pumili sa Hyundai Heavy Industries (HHI) bilang supplier ng dalawang frigates.
Kabilang na ang suplay ng mga bangka, navigation, communications at Combat Management System (CMS).
Ang nakalipas ding administrasyon ang nagdeklara sa Hyundai bilang responsive bidder para sa naturang proyekto.
Ayon din kay Secretary Roque, ang ginawa lamang ng administrasyong Duterte ay pirmahan ang notice of award.
Hamon ni Go, patunayan ang alegasyon laban sa kaniya at handa siyang magbitiw sa pwesto.
Ayon naman kay Senador Antonio Trillanes, naniniwala itong walang kinalaman si Go sa frigate deal dahil hindi umano ito gumagalaw nang di ipinag-uutos ni Pangulong Duterte.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )