METRO MANILA, Philippines – Dating PNP Chief Ronald Bato Dela Rosa, dating Presidential Adviser on Political Affairs Francis Tolentino at dating Special Assistant to the President Bong Go, sila ang tatlong malalaki at bagong pangalan na pasok sa top 12 ng Senatorial race bunga na rin ng pag-endorso sa kanila ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kilala rin sila bilang malalapit at kilalang personal ng Presidente, pero sa kabila nito iginiit ng Palasyo na hindi magiging sunud-sunuran ang mga ito kay Pangulong Rodrigo Duterte sakaling maupo na sila sa Senado.
Ang inaasahan ng Palasyo, gagampanan ng mga ito ang kanilang bagong trabaho bilang mga mambabatas sa mataas na kapulungan ng Kongreso.
“Nagkataon lang na malapit sila sa President pero that doesn’t mean na ibig sabihin, sunod-sunuran sila,” pahayag ni Sec. Salvador Panelo, Presidential Spokeperson and Chief Presidential Legal Counsel.
Samantala, name recall at kakulangan naman sa access sa media ang itinuturong dahilan kung bakit hindi nakapasok sa magic 12 ang ilan sa mga iniendorsong kandidato ni Pangulong Duterte. Kabilang dito sina Freddie Aguilar, dating Congressman Zajid Mangudadatu, at ang nasa alanganin pang kalagayan na si Senator JV Ejercito.
“Nasa taumbayan pa rin yun, kasi maraming factors ang winning, number 1 is name recall, ‘pag di ka kilala, kahit inendorse ka kung di ka naman kilala ng boboto, di ka lalabas,” dagdag ni Panelo.
Ayon pa kay Panelo, nasa Presidente naman ang desisyon kung mailuklok ang mga ito sa ibang pwesto sa pamahalaan kapag natapos na ang one year ban sa pagtatalaga sa mga kumandidato sa halalan sa gobierno.
Ipinauubaya naman na ng Palasyo sa Kongreso kung anu-anong mga batas ang nais nilang maipasa alang-alang sa mga Pilipino. Ito ay bagaman inaasahan na marami pa rin ang magiging kaalyado ng administrasyon sa Kongreso at Senado.
“Whether or not Senate or Congress are dominated by the allies of whoever is incumbent, we expect them to pass economic reforms that will be beneficial to the Filipino people. ‘Di dapat pinaguusapan yun kung ally ka o hindi. Ang trabaho mo sa Kongreso, magpasa ka ng mga batas na makakatulong sa pagunlad ng taumbayan at mga kababayan natin. It’s about time na tanggalin na yang parties consideration. Diyan tayo nalulugmok,”ani Panelo.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: Bong Go, Panelo, President Duterte, Ronald Bato dela Rosa