Lumabas sa imbestigasyon ng mga otoridad na hindi isa kundi dalawang mortar round ang ginamit sa nangyaring bombing sa Roxas Avenue sa Davao City noong Biernes.
Ayon kay Region 11 Police Chief, Chief Superintendent Manuel Gaerlan , batay sa nakuhang mga ebidensya at metal fragments na nakuha sa mga biktima, bukod sa 60 milimeter mortar round, ginamitan din ng 81 milimeter mortar round ang improvised explosive device na pinasabog sa night market.
Ayon kay Gaerlan, barbaric at mas teroristic ang intensyon ng responsable sa insidente.
Hindi rin isinasantabi ng opisyal na posibleng natuto mula sa napatay na international terrorist na si Marwan ang may gawa ng bomba.
Ayon kay Gaerlan, tatlong bagay ang kanilang tinitingnan sa kanilang imbestigasyon sa kung sino ang may kagagawan sa pagsabog.
Una ay ang Abu Sayyaf Group na patuloy na tinutugis ng militar.
Pangalawa ay ang mga drug lord.
At ang mga disgruntled vendor sa night market.
Ayon kay DILG Secretary Mike Sueno batay sa nakuha nilang impormasyon may problema ang ilang vendor sa night market.
Subalit hindi naman kumbinsido dito si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte.
Humingi naman ng pang unawa ang pulisya kung bakit hindi pa nila inilalabas ang composite sketch ng mga itinuturing na persons of interest habang nagpapatuloy ang pagtugis sa mga ito.
(Victor Cosare/UNTV Radio)