METRO MANILA – Inilabas na kahapon (September 12) ng Malakanyang ang Executive Order No. 3 kaugnay sa pagpayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing boluntaryo na lang ang pagsusuot ng face mask sa outdoor settings o open space na may maayos na bentilasyon.
Gayunman, nakasaad sa kautusan na kailangan sundin pa rin ang minimum public health standards.
Hinihikayat din ang mga indibidwal na hindi fully vaccinated laban sa COVID-19, immunocompromised at senior citizens na magsuot pa rin ng face mask.
Batay sa EO No. 3, maaaring magsumite ng rekomendasyon ang Department of Health at Inter Agency Task Force sa anomang maaari pang gawing pagbabago sa minimum public health standards. Kabilang na dito ang pagluluwag sa indoor mask requirements.
Magiging epektibo ang EO na ito sa lalong madaling panahon oras na mailagay na sa mga pahayagan.
Sa kasalukuyan ay nai-publish na ang EO No. 3 sa Official Gazette.
Bukod sa voluntary wearing of face mask ,pinalawig rin ni PBBM ang State of Calamity sa bansa dahil sa patuloy na COVID-19 pandemic.
Dahil sa extended and state o calamity tuloy ang pagpapatupad ng vaccine indemnity compensation, emergency procurement at pagbibigay ng special risk allowance sa mga health care worker.
Ang state of calamity na idineklara ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong March 2020 at natapos na kahapon.
(Nel Maribojoc | UNTV News)