BOC officials na posibleng makasuhan kaugnay ng P6.4-B shabu shipment, nakapaloob sa committee report – Sen. Richard Gordon

by Radyo La Verdad | September 19, 2017 (Tuesday) | 1660

Posibleng isumite na sa plenaryo ng Blue Ribbon Committee ngayong Linggo ang committee report kaugnay ng imbestigasyon sa 6.4 bilyong pisong halaga ng shabu na nasabat sa Valenzuela City noong May 2017.

Ayon kay Committee Chairperson Senator Richard Gordon, nakapaloob sa report ang rekomendasyon laban sa mga opisyal na maaaring managot sa pagpasok ng kontrabando.

Kanina, sa ikasiyam na pagdinig ng komite, nadismaya ang mga senador sa mabagal na pag-usad ng kaso laban sa personalidad na sangkot sa illegal drug trafficking.

Ayon sa Department of Justice, hinihintay nila hanggang September 25 ang counter affidavit nina customs brokers Mark Taguba, Teejay Marcellana, Richard Tan at Fidel Anoche Dee na siyang consignee sa kontrabando.

Sa kabila nito, nababahala si DOJ Secretary Vitaliano Aguirre sa posibleng kahitnan ng kaso.

Nakuwestyon rin sa pagdinig ang tungkol sa pagsira sa nasabat na 900 kilos ng shabu sa San Juan City noong December 2016.

Ayon kay Secretary Aguirre, inireklamo niya mismo kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno, ang court judge na may hawak ng kaso.

Ayon kay Senator Gordon, dapat sa loob ng 72 hours ay nasira na ang droga batay sa umiiral na batas.

Plano ng senador na ipa-subpoena ang court judge na hindi umano umaaksyon at walang inilalabas na court order para sa pagsira ng ilegal na droga.

 

(Nel Maribojoc / UNTV Correspondent)

 

Tags: , ,