BOC, nakumpiska ang P60-M na halaga ng fake items at party drugs

by Radyo La Verdad | November 17, 2021 (Wednesday) | 32915

METRO MANILA – Nakumpiska ng Bureau of Customs (BOC) ang nasa P60-M na halaga ng mga pekeng produkto at party drugs nitong Martes (Nobyembre 16) sa lungsod ng Maynila at Tanay Rizal.

Ayon sa BOC isang composite team na may Letter of Authority (LOA) na inisyu ni Commissioner Rey Leonardo Guerrero ang nagbigay pahintulot sa pag-iinspeksyon sa mga bodega sa ika-7 palapag ng QQ Mall sa Quiapo Manila, kung saan tumambad sa kanila ang mga pekeng produkto na tinatayang nasa P54-M nitong Nobyembre 15.

Sa karagdagang pag-iinspeksyon sa target na bodega, natuklasan ng grupo ang iba’t ibang mga bagay na nagtataglay ng mga kilalang rehistradong trademarks gaya ng Regatta, Penshoppe, Oxygen/Oxgn, Nike, Tommy Hilfiger, Adidas, at Prada at iba pa.

Ang composite team ay binubuo ng Port of Manila-District Office (POM-DO), Intellectual Property Rights Division-Customs Intelligence and Investigation Service (IPRD-CIIS) sa ilalim ng Intelligence Group, Philippine Coast Guard (PCG) at Armed Forces of the Philippines (AFP).

Samantala ang mga nasabat na iligal na droga ay itinurn-over na sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa karagdagang imbestigasyon at posibleng makasuhan ang mga nahuling may dala nito ng paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Drugs Act gayundin ng RA 10863 o Customs Modernization and Tariff Act.

Sa ngayon ay nakapagtala na ang Port of NAIA ng 50 busts para sa taong 2021 na may tinatayang halaga na P107-M.

(Jeth Bandin | La Verdad Correspondent)

Tags: