BOC Chief Lapeña, inaming posibleng may lamang iligal na droga ang magnetic lifters na nasabat sa Cavite

by Radyo La Verdad | October 25, 2018 (Thursday) | 3535

Ipinagpatuloy kahapon ng mababang kapulungan ng Kongreso ang imbestigasyon nito kaugnay ng 6.8 bilyong piso na halaga ng shabu na umano’y nakalusot sa Bureau of Customs (BOC).

Ang mga ito ay ang hinihinalang nakalagay sa apat na magnetic lifters na natagpuan sa Cavite ng BOC at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong Agosto.

Sa pagdinig, inamin ni BOC Chief Isidro Lapeña na posibleng iligal na droga ang laman ng mga nakuhang magnetic lifters.

Taliwas ito sa mga nauna nitong pahayag at pagkontra sa sinabi ng PDEA na shabu ang laman ng mga ito dahil sa pagkakapareho sa nakuhang magnetic lifters sa Manila International Container Port na may lamang 500 kilo ng shabu.

Ginawa ni Lapeña ang pahayag matapos mapakinggan ang mga lumabas na impormasyon sa pagdinig.

Kabilang na ang ihayag ni former Customs X-ray Inspection Project (XIP) Chief Lourdes Mangaoang na may na-detect na illegal drugs sa magnetic lifters.

Katunayan dito ay ang x-ray image na nakuha umano ni Mangaong mula sa kasalukuyang head ng x-ray inspection ng Department of Customs.

Gayundin ang naging pahayag ni dating Customs Intel Officer Jimmy Guban, kaugnay ng kanyang relasyon sa dating PNP official na si Colonel Jojo Acierto.

Sumusunod lang umano ito sa mga iniuutos ni Acierto sa kanya. Inamin din ni Guban na alam na ni Acierto na iligal na droga ang laman ng mga magnetic lifters, kaya naman sa utos pa rin ni Acierto, huwag aniyang isama sa report ang findings ng x-ray.

Sa konklusyon ni Cong. Romeo Acop, wala talagang intensyon na harangain ang kontrabando, bagkus palusutin ito gamit ang isang SMYD na consignee.

Imbitado si Acierto sa pagdinig upang bigyang-linaw ang pagkakasangkot nito sa isyu at ipaliwanag kung paano nito nalaman ang laman ng mga magnetic lifters.

Pero ayon sa report ng administration ng PNP, sinubukan nilang hagilapin si Acierto pero hindi na matawagan ang cellfone number at wala rin sa address na idineklara nito.

 

( JL Asayo / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,