METRO MANILA – Taliwas sa unang pahayag ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na magiging mandatory na sa lahat ng paaralan ang full face-to-face classes sa darating na November 2.
Kahapon (July 20) sinabi ng kalihim na tinanong nya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang posibilidad na gawing permanente ang blended learning kung saan pumayag aniya ang pangulo ukol dito.
Sa pahayag na inilabas ng Malacañang kahapon (July2 20) ipinag-utos ni PBBM sa Department of Education (DepEd) na bumuo ng mga plano at hakbang para sa pagpapatupad ng face-to-face classes gayundin ang blended learning pagkatapos ng October 31.
Gayunman iginiit ng pangulo na sa mga piling paaralan lamang ito ipatutupad, lalo sa mga nagkakaroon ng kakulangan sa pasilidad o silid-aralan at kagamitan.
Tuloy pa rin dapat aniya ang full face-to-face classes sa ibang mga eskwelahan.
Ayon kay VP Inday Sara, inihahanda na ngayon ng DepEd ang mga plano at polisiya na ipi-presenta kay PBBM.
Paglilinaw din ng bise presidente, tuloy pa rin ang 5-day physical classes ng mga estudyante.
Samanatala kahit pa handa ang karamihan ng mga paaralan para sa full face-to-face classes, para sa ilang mga guro mas maigi pa rin ang pagkakaroon ng blended learning.
Aminado rin ang ilang lokal na pamahalaan sa Metro Manila na magiging hamon ang kapasidad ng pasilidad ng mga paaralan sa kani-kanilang lungsod kapag sabay-sabay nang papasok ang mga mag-aaral.
(Janice Ingente | UNTV News)
Tags: Blended Learning, DepEd