BJMP, walang naitalang jailbreak incident sa pagpapalit ng taon

by Radyo La Verdad | January 2, 2018 (Tuesday) | 2359

Zero jailbreaks, walang komosyon o anomang tangkang pagtakas sa mga kulungan, ito ang ulat ng Bureau of Jail Management and Penology ngayong January 1, 2018

Ayon kay BJMP Acting Chief Deogracias Tapayan, ito aniya ang naging bunga ng kanilang pag-iikot sa mga kulungan bago pa matapos ang taong 2017.

Noong Sabado, December 30, pinuntahan ng pamunuan ng BJMP ang Manila City Jail at Valenzuela City Jail upang tiyaking 24/7 na nagbabantay ang mga tauhan sa mga piitan lalo na’t naka- red alert ang mga ito.

Ang Manila City Jail ang pinakamalaking piitan sa National Capital Region at ang may pinakamaraming inmates na umaabot sa 5, 697.

Nais ring masiguro ni Director Tapayan ang maayos na pagpapatupad ng management plan at security protocols dahil sa pagdagsa ng mga bisita ngayong Enero 2018.

Kinamusta rin ni Director Tapayan ang kalagayan ng mga inmate at pinaalalahanan na sumunod sa mga patakaran at huwag masasangkot sa gulo upang mas mabilis na makakalaya. Matapos ang inspeksyon kinausap rin ni Director Tapayan ang mga security personnel na maging mapagmatyag at alerto.

Muli ring hinikayat ng BJMP ang publiko na isumbong sa kanilang electronic  complaint counter na “Etap mo si Sir Taps” ang mga nakikitang iregularidad sa mga kulungan.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,