Biyahe ng Uber, balik sa normal na

by Radyo La Verdad | August 30, 2017 (Wednesday) | 1837

Binawi na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang isang buwang suspensyon na ipinataw nito sa Uber Systems Incorporated matapos na magbayad ang kumpanya ng 190 million pesos na multa.

Naisumite na rin ng Uber sa LTFRB ang iba pang mga dokumento bilang katunayan na nabigyan rin nila ng tamang halaga ng kompensasyon ang kanilang mga driver at operator. Dakong alas singko ng hapon kahapon nang muling i-activate ng Uber ang booking process sa kanilang mga pasahero.

Ayon sa LTFRB, kung susumahin umabot sa 490 million pesos na penalty ang nagastos ng Uber dahil sa kanilang mga violation. Muli naman nilinaw ng LTFRB na ireremit nila ang 190 million pesos na penalty sa National Treasury.

Ikinatuwa naman ng mga pasahero at Uber driver ang  pag-aalis sa suspensyon ng Transport Network Company.

Mamayang hapon, muling magsasagawa ng pagpupulong ang technical working group ng LTFRB, kung saan kakausapin muli ng ahensya ang Uber kaugnay sa posibilidad na ipasa ng mga ito sa kanilang mga pasahero ang halagang nalugi ng mga ito mula sa binayarang penalty.

 

(Joan Nano / UNTV Correspondent)

 

 

Tags: , ,