Biyahe ng lahat ng mga tren ng MRT, balik-normal na matapos pumalya ang cooling system sanhi ng mainit na panahon

by Radyo La Verdad | April 21, 2015 (Tuesday) | 1552

MRT
Balik-normal na ang lahat ng biyahe ng MRT matapos ang nangyaring aberya kahapon.

Martes ng tanghali nang pababain ang libo-libong pasahero matapos bumigay ang cooling system ng mga tren dahil sa matinding init ng panahon.

Magkulang rin ang supply ng refrigerant na siyang nagpapalamig sa aircon ng mga tren kaya ibinalik muna ang mga ito sa depot para ayusin.

Limang tren lang ang pinabiyahe kahapon dahilan para malimitahan ang biyahe at maipon sa mga istasyon ang mga pasahero.

Ayon sa maintenance provider na Global APT, hindi sila agad nakapag-stock ng refrigerant dahil napipigilan sila ng kontrata na buwanang nire-renew ng MRT.

Sa kabila nito, pagmumultahin pa rin sila ng MRT dahil nakasaad sa kontrata na kailangan nilang makapagpabiyahe ng 20 tren tuwing peak hours habang 15 tren naman kapag non-peak hours.

Batay sa kasunduan, P80,000 kada bagon sa bawat isang peak hour ang kailangang bayaran ng Global APT habang P60,000 naman kada bagon kung off peak.

Nangako naman ang Global APT na dadagdagan nila ang stock ng refrigerant dahil sa tumitinding init ng panahon.

Tags: ,