Umabot sa 114 milyong piso ang umano’y halaga ng kontrata ng advertisement placement ng Department of Tourism (DOT) sa Bitag Media at PTV 4. Ito ang lumabas sa isinagawang pagdinig kahapon ng Senado sa naturang usapin.
Kung kukwentahin, 75 milyong piso ang napunta sa Bitag Media Unlimited Incorporated, 20 milyon naman sa People’s Television Network Incorported at ang natitirang 19 milyon ay naibayad umano sa buwis at ipa pang bayarin.
Sa paliwanag ni dating DOT Secretary Wanda Teo, nagsimula ang transaksyon noong ika-16 ng Enero 2017 nang sumulat si PCOO Secretary Martin Andanar sa kanya para sa partnership ng government run TV station at ng ahensya.
Para isa-pormal ang partnership, ika-6 ng Pebrero 2017 nagbigay ng proposal ang presidente at general manager ng PTV4 na si Dino Antonio Apolonio sa opisina si Teo.
Dumaan ang proposal sa Bids and Awards Committee at agad itong naaprubahan nang sumunod na araw, ngunit kinuwestyon ito ni Senator Gordon.
Dito na rin naungkat ang isyu ng conspiracy sa pagitan ng PTV 4 at Bitag Media, gayun din ang conflict of interest sa pagitan naman ni Teo at Ben Tulfo, ang may ari ng Bitag Media.
Iginiit naman ni Senator Antonio Trillanes IV ang partisipasyon ni Erwin Tulfo sa isyu dahil kapatid umano ito ni Ben Tulfo. Hindi naman naiwasan magkainitan sa pagitan ng dalawa.
Nag-ugat ang isyung ito sa 2017 audit report ng COA na nagsasabing kuwestiyonable ang paggamit ng pondo dahil sa mga kulang-kulang na dokumento para ipaliwanag kung saan ito napunta.
Pero pag lilinaw ni Ben Tulfo, kahit na isauli pa ang pera, para kay Gordon, malinaw na may dapat pa ring managot.
Ayon kay Sen. Gordon, mula sa mga impormasyong nakuha kahapon ay makakagawa na ng report at rekomedasyon ang komite tungkol sa isyu.
Pero hindi pa natatapos dito ang pagiimbistiga dahil sa susunod na pagdinig, haharap pa rin si Wanda Teo tungkol naman sa isyu ng Duty Free shopping spree, at haharap din ang dating Tourism Promotions Board na si COO Cesar Montano tungkol naman sa isyu ng Buhay Carinderia.
( JL Asayo / UNTV Correspondent )
Tags: Bitag Media, DOT, PTV 4