Nakakita ng discrepancy o hindi pagkakatugma ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa mga buwis na ibinayad ni Chief Justice Ma. Lourdes Sereno matapos ang ginawang pagsisiyasat ng ahensya. Subalit tumanggi si BIR Deputy Commissioner Arnel Guballa na ihayag sa impeachment committee ang detalye ng kanilang report.
Base umano sa Section 270 ng tax code, maari lamang nilang ilabas ang impormasyon patungkol sa tax findings ng sinomang opisyal ng pamahalaan kung ito ay aprubado ng presidente ng bansa, kung may pahintulot ang taong iniimbestigahan o kung ipag-utos ng judicial court at Senate impeachment court.
Gayunman, sumulat na sila sa pangulo para payagang ilabas ang natuklasang iregularidad. Ipina-subpoena na rin ng kumite ang mga nasabing dokumento.
Ayon pa sa BIR, ang kanilang imbestigasyon ay maaaring magresulta ng pagsasampa ng kaso laban sa punong mahistrado.
Depensa naman ni Atty. Jojo Lacanilao, tagapagsalita ni CJ Sereno, lahat ng taxes na kailangan bayaran ay binayaran na ni chief justice kung kaya’t wala silang makikita na tax evasion.
Samanatala, tinanggi naman ng huwes ng Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) at ng deputy court administrator ng Korte Suprema na inutusan sila ni CJ Sereno na i-delay o i-antala ang paglalabas ng warrant of arrest kay dating Department of Justice (DOJ) Sec. Leila de Lima.
Dahil dito, inatasan ng kumite si Gadon na magsumite pa ng mga karagdagang ebidensya na magpapatunay hinggil sa alegasyong ito.
Isang pagdinig nalang ang isasagawa ng impeahcment committee sa February 27 kung saan dito ay iimbitahan nila ang psychiatrist na nagbigay ng bagsak na grado kay CJ Sereno. Pagkatapos nito ay magbobotohan na ang kumite.
Oras na makakuha ng sapat na boto sa kumite at sa plenaryo sa kamaya ay dadalhin na ang kaso sa Senado na siyang tatayong impeachment court.
( Grace Casin / UNTV Correspondent )
Tags: BIR, CJ Sereno, discrepancy, tax evasion