Binatilyong suspek sa pagpatay sa isang barangay tanod, nahuli ng mga pulis

by Radyo La Verdad | August 7, 2018 (Tuesday) | 4306

Tondo, MANILA – Hinuli ng mga tauhan ng Manila Police District ang isang disi syete anyos na binata sa Kagandahan Street sa barangay 152, Tondo Maynila bandang alas sais kagabi.

Ito ay matapos isumbong ang suspek ng isang residente sa lugar na may dala-dala itong baril. Agad na nagsagawa ng anti-criminality operation ang Tayuman Police Community Precinct upang kumpirmahin ang sumbong.

Nang kapkapan ng mga otoridad ang suspek ay nakitaan ito ng isang kalibre kwarenta y singkong baril na may apat na bala. Nakuhanan rin ito ng labingpitong sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng 40,000.

Sa pagsisisyasat ng mga pulis, napag-alamang pangunahing suspek din ang binatilyo sa pamamaril sa isang barangay tanod.

Nakunan pa ng CCTV ang pamamaril ng binatilyo sa Brgy. Tanod na si Jose Ramil Corres, 43 anyos habang nagtitinda ito sa tapat ng lakandula high school.

Makikita rin sa CCTV ang isa sa dalawang babaeng nadamay sa pamamaril na natamaan sa paa.

Ayon sa kapitan ng Barangay 163, gumanti umano ang suspek nang makatakas ito sa kanilang anti-criminality operation.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

Tags: , ,