Bilihin sa ilang tindahan sa Araneta bus terminal, nadiskubre ng DTI na overpriced

by Radyo La Verdad | March 23, 2016 (Wednesday) | 4332

SRP
Sunod-sunod na nag-inspeksyon sa Araneta Bus Terminal ang mga tauhan ng ilang ahensya ng pamahalaan upang tignan ang sitwasyon ng mga pasahero.

Isa sa maagang nag-ikot ang Department of Trade and Industry upang alamin kung nasusunod ba ng mga tindahan dito ang suggested retail price ng mga produktong ibinenta nila.

Pasado alas diyes kahapon nang magikot sa mga tindahan sa terminal ang mga tauhan ng Fair Trade Enforcement Bureau ng DTI kung saan natuklasan na may ilang tindahan ang hindi sumusunod sa SRP.

Tatlong tindahan ang inisyuhan ng show cause order dahil sa over priced na pagbebenta ng mga mineral water.

Mula sa eleven pesos na SRP ng 500ml na mineral water, ibinebenta ito ng twenty five pesos, kung saan nasa 14 pesos ang tubo nila.

Habang ang isang litro naman ay ibinebenta ng 40 pesos mula sa 22 pesos na SRP nito.

Katwiran ng ilang tindero, mahal binabyaran nilang upa sa kanilang pwesto kung kaya’t napipilitan rin sila magtaas ng presyo.

Ayon sa DTI, ipatatawag nila ang mga may-ari ng mga nasabing tindahan upang kunan ng paliwanag.

Bukod sa DTI, bumisita rin sa terminal ang bureau of Fire Protection upang tiyakin ang fire safety sa lugar.

Nagsagawa rin ng random drug testing ang Department of Transportation and Communication sa mga bus driver kung saan dalawa sa mga ito ang nagpositibo sa paggamit ng droga.

Isasailim naman sa confirmatory test ang dalawa at sakaling magpositibo pa rin ay sasampahan na ito ng kaso.

Bagamat may pasok pa sa mga opisina at ilang eskwelahan nagsisimula na ring dumagsa ang mga pasahero sa terminal na uuwi sa kani-kanilang probinsya.

(Joan Nano/UNTV NEWS)

Tags: