Bilateral agreement sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait, tatalakayin ngayong araw

by Radyo La Verdad | March 15, 2018 (Thursday) | 4817

Nakatakdang talakayin ngayong araw ng mga kinatawan ng Pilipinas at Kuwait ang bilateral agreement na mangangalaga sa kapakanan ng mga Pilipino sa Kuwait. Sakop ng kasunduan ang lahat ng OFW household service worker at mga skilled worker.

Ilan sa mga probisyon na kasama sa bilateral agreement ay ang pagbabawal sa mga employer na kunin ang pasaporte at mga dokumentong hawak ng mga OFW; pagpapahintulot sa mga OFW na makagamit ng cellphone at pahintulot mula sa Philippine Overseas Labor Office kung nais ilipat ang isang OFW sa ibang employer.

Iginiit ni Bello na kung hindi papayag ang bansang Kuwait sa kanilang mga kahilingan ay hindi mapipirmahan ang kasunduan at patuloy pa ring ipatutupad ng pamahalaan ang deployment ban sa bansang Kuwait.

Ayon kay Bello, nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na palawigin pa ang bilateral agreement maging sa ibang bansa sa Middle East.

Simula noong taong 2016 lamang, halos dalawang daang OFW ang naitalang namatay sa mga bansa sa Middle East.

Bukod pa dito ang nasa anim na libong kaso ng pang-aabuso, sexual harassment at rape na naitala ng embahada ng Pilipinas noong 2017.

Kamakailan lamang ay inisyu ang deployment ban sa Kuwait matapos matagpuan ang bangkay ni Joanna Demafelis sa isang freezer sa isang apartment sa Kuwait.

Ayon kay Sec.Bello, kahit mapirmahan ang kasunduan, hindi pa rin ma-lilift ang deployment ban hanggat hindi na reresolba ang kaso ni Demafelis.

Sinabi rin ni Bello na pinag-iisipan rin nilang ipatupad ang deployment ban sa ibang bansa sa Middle East sakaling magpapatuloy ang pag-abuso sa mga OFW.

Sa loob lamang ng dalawang araw ay matatapos ang pagpupulong at maaari nang ilabas ang drafted guidelines sa huling linggo ng Marso.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent)

Tags: , ,