METRO MANILA – Naitala ng Department Of Health (DOH) ang 164 fireworks-related injuries sa pagsalubong ng taong 2020.
Mas mababa ang bilang na ito ng 87 cases kumpara noong nakaraang taon kung saan nakapagtala ng 251 na kaso.
Ngunit nagbabala ang kagawaran na maaari pang tumaas ang bilang na ito bunsod ng late consultations.
“We were able to reduce cases by as much as 35 percent. This is indeed a welcome development but we will not stop until we achieve zero firework-related injuries.” ani DOH Secretary Dr. Francisco Duque III
Sa datos ng DOH, simula December 21, 2019 hanggang January 1, 2020, nakapagtala ng pinakamaraming kaso ang National Capital Region (NCR) sa bansa.
Pinakamapinsala sa mga paputok ang kwitis, sumunod ang luces, fountain, piccolo at baby rocket.
Malaking porsyento sa mga nasugatan ay nagtamo ng blast o burn, ilang eye injuries habang nasa 4% sa mga biktima ay naputulan ng bahagi ng katawan.
Kinumpirma rin Department Of Health (DOH) na walang naiulat na kaso ng stray bullet injury, fireworks injestion at pagkamatay.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, ang patuloy na pagbaba ng bilang ng mga biktima ng paputok ay resulta ng maigting na kampanya ng pamahalaan laban sa paggawa, pagbebenta at paggamit ng paputok.
“Data would show that indeed the downward trend became evident since the president issued out e.o. 28.” ani DOH Secretary Dr. Francisco Duque III.
Muli namang hinihikayat ng DOH ang publiko na umiwas sa paggamit ng ano mang uri ng paputok dahil maging ang mga legal na paputok ay nakapagtala ng malaking pinsala.
(Asher Cadapan Jr. UNTV News)
Tags: DOH, firecrackers