Bilang ng nasawi sa pananalasa ng bagyong Basyang sa Caraga Region, umabot na sa walo

by Radyo La Verdad | February 15, 2018 (Thursday) | 5534

Nag-iwan ng matinding pagbabaha, pagguho ng tulay at landslide ang bagyong Basyang sa Caraga Region. Walo na ang kumpirmadong nasawi sa pagtama ng bagyo sa rehiyon. Lima dito ay mula sa Surigao del Sur, dalawa ang mula sa Surigao del Norte at isa naman sa Agusan del Norte.

Nasa mahigit tatlumpong libong residente na ang inilikas sa Surigao del Norte at Surigao del Sur na ngayon ay nanunuluyan sa 94 na evacuation centers.

Aabot naman sa mahigit dalawang milyong pisong halaga ng relief goods ang inihanda ng DSWD sa mga apektadong indibidwal bilang augmentation sa mga relief goods na ibinibigay ng mga local government unit.

Hindi pa rin pwedeng madaanan ng 4 wheel vehicle ang Puyo Bridge sa Jabonga, Agusan del Norte habang sarado naman ang Jaliobong at Magtiago Bridge sa Surigao del Norte.

Kasalukuyan ring inaayos ng DPWH ang apat na nasirang kalsada sa Surigao del Norte at Surigao del Sur.

Nagpapatuloy naman ang isinasagawang clearing operations ng Armed Forces of the Philippines at ng Philippine Nationanal Police sa mga lugar na apekdado ng bagyo.

Samantala,  isinailalim naman sa state of calamity ang lungsod ng Carrascal at Lanuza sa lalawigan ng Surigao del Sur dahil sa pinsala ng bagyong Basyang.

Sa deklarasyong ito, inaasahan ng lokal na pamahalaang mapapabilis ang pagbibigay ng tulong-pinansyal sa mga naapektuhan ng bagyo at agad mapondohan ang mga nasirang imprastraktura at pananim.

 

( Raymond Octobre / UNTV Correspondent )

Tags: , ,