Umabot na sa mahigit isang daan ang bilang ng nasawi sa malakas na lindol na yumanig sa Central Mexico kaninang madaling araw, oras sa Pilipinas. Ang mga nasawi ay mula sa Estado ng Morelos at sa central state ng Puebla.
Ayon sa U.S. Geological Survey, naramdaman ang epicenter nito sa may 4.5 kilometers east-northeast ng San Juan Raboso at 55 km. ng south-southwest ng lungsod ng Puebla. May lalim ang nasabing lindol ng 51 kms. at naramdaman din ito sa sentro ng Mexico City.
Ayon kay Mexico President Enrique Pena Nieto, nakapagtala sila ng hindi bababa sa 27 gusali na gumuho bunsod ng malakas na lindol.
Patuloy pa ang isinasagawang search and rescue operations ng mga otoridad at mga residente para mailigtas ang iba pang naipit sa mga bumagsak na gusali.
Ilang oras bago tumama ang lindol, nagsasagawa ng earthquake drill ang Mexico bilang paggunita sa magnitude 8.0 na lindol na tumama sa kanila noong 1985.
Samantala, wala pang Pilipino na napaulat na nasawi o nasugatan sa nasabing lindol. Ayon kay Philippine Ambassador to Mexico Eduardo Jose De Vega, limitado ang kanilang pagkalap ng impormasyon dahil walang suplay ng kuryente sa Mexico.
Base sa impormasyon ng embahada, hindi aabot sa 100 mga Filipino ang naninirahan sa lugar kung saan naganap ang lindol.
( Rc Reyes / UNTV Correspondent)
Tags: magnitude 7.1 na lindol, Mexico, Nasawi