Bilang ng nasawi sa Cordillera Region, umakyat na sa walo

by Radyo La Verdad | October 21, 2016 (Friday) | 1306

joshua6
Nadagdagan pa ang bilang ng mga nasawi sa Cordillera Region dahil sa Bagyong Lawin.

Ayon sa Office of Civil Defense, walo na ang naitala nilang patay na karamihan ay natabunan ng gumuhong lupa.

Isa naman ang nawawala matapos tangayin ng ilog sa bahagi ng Ifugao.

Mahigit naman sa dalampu’t anim na milyong piso ang halaga ng nasirang mga pananim; kabilang na ang mga strawberry at gulay sa mga farm at greenhouses sa La Trinidad, Benguet.

Mahigit pitong daang bahay naman ang nasira at nasa tatlong libong pamilya ang naapektuhan ng bagyo.

Sa ngayon ay naibalik na ang suplay ng kuryente sa ilang bahagi ng Benguet ngunit bagsak pa rin ang power supply sa Apayao, Abra, Mt.Province, Kalinga at Ifugao.

Pahirapan din sa pagkuha ng impormasyon sa iba pang lalawigan sa Cordillera dahil bagsak ang communication signals.

Sarado rin sa ngayon ang Kennon Road at hindi rin pwedeng daanan ang nasa apat na pu’t anim na national roads sa rehiyon dahil sa mga gumuhong lupa.

Ayon sa OCD, sa ngayon ay patuloy na silang nagsasagawa ng clearing operations upang agad na itong mabuksan sa mga motorista.

(Joshua Antonio / UNTV Correspondent)

Tags: ,