Bilang ng nasawi sa bus accident sa Tanay, Rizal, umabot na sa 15

by Radyo La Verdad | February 21, 2017 (Tuesday) | 3270


Naragdagan ang bilang ng nasawi sa nangyaring bus accident sa Tanay, Rizal kahapon.

Isang babae na kabilang sa mga sakay ng naaksidenteng tourist bus ang binawian ng buhay sa Amang Rodriguez Medical Center kagabi.

Ito ang panlabing-lima sa listahan ng mga nasawi sa trahedya.

Sa ulat ng Rizal Police Provincial Office, patungong Sacramento Adventure Camp ang Panda Coach Tourist bus sakay ang limamput walong estudyante ng Bestlink College of the Philippines, Novaliches, Quezon City para sa kanilang team building at survival training na bahagi ng National Service Training Program o NSTP.

Ngunit habang binabaybay ang Sampaloc Road, Sitio Bayucan, Brgy. Sampaloc sa Tanay, nagkaroon umano ng problema sa preno ang bus dahilan upang mawalan ng kontrol ang driver nito at mabangga sa barrier malapit sa road widening area bago sumalpok sa poste ng meralco at sa Ravine tree.

Wasak ang harapan ng bus, yupi ang mga gilid at natanggal ang bubong nito dahil sa lakas ng pagkakabangga.

Sampu ang idineklarang dead on the spot habang ang lima pang iba ay sa ospital na binawian ng buhay.

Kabilang rito ang driver ng bus na kinilalang si Julian Lacorda Jr., trenta y otso anyos na nadala pa sa ospital ngunit namatay din dahil sa matinding pinsalang tinamo.

Mahigit apatnapu naman ang sugatan at ang dalawamput tatlo sa mga ito ang dinala sa Amang Rodriguez Medical Center.

(Jennica Cruz / UNTV Correspondent)

Tags: , , , ,