Bilang ng nagpapabakuna sa Pinaslakas special vaccination days, mababa — DOH

by Radyo La Verdad | October 3, 2022 (Monday) | 4176

METRO MANILA – Pandemic fatigue ang pangunahing dahilan ng pagtanggi ng karamihang Pilipino sa booster dose laban sa COVID-19.

Ito ang paliwanag ng Department of Health (DOH) matapos makapagtala ng mababang bilang ng mga nabakunahan sa special vaccination days sa ilalim ng Pinaslakas campaign.

Sa datos ng DOH, nasa 109,000 individuals lang ang nagpabakuna ng first booster dose sa buong bansa kumpara sa target ng ahensya na 1.9 million eligible population.

Batay sa tala ng DOH, sa nasa 73 milyong Pilipino ang fully vaccinated na, mahigit 19 na milyong indibidwal pa lang ang nakakakuha ng unang booster dose.

Katumbas ito ng nasa 24% ng mga populasyon na maaari nang tumanggap ng booster shot.

Paglilinaw pa ni DOH Officer-In-Charge Undersecretary Maria Rosario Vergeire, mabuti ang naunang serye ng bakuna at natural immunity laban sa COVID-19.

Ngunit batay aniya sa ebidensya ay kailangan na ng booster shot ang mga kababayan nating fully vaccinated dahil humihina na ang bisa ng mga bakuna.

Plano ng DOH na doblehin pa rin ang mga ginagawa nitong hakbang sa pagbabakuna ng first booster shot sa mas marami pang eligible population hanggang October 8, ang ika-100 araw ng Marcos administration.

Patuloy ring nananawagan ang DOH sa publiko na magpabakuna na laban sa COVID-19 lalo ang mga wala pang booster shot.

(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)

Tags: