Simula nang luwagan ang travel restrictions sa Pilipinas kasunod ng pagbaba ng Covid-19 cases sa bansa. Full force na ang deployment ng mga immigration officer sa mga airport upang asistehan ang mga banyagang turista at mga Pilipinong dumarating sa bansa.
Operational na rin ang mga electronic gates para mas mapabilis ang proseso ng mga Overseas Filipino Workers sa mga Paliparan.
Ayon sa Department of Tourism, mula noong February 10 hanggang March 15, umabot na sa halos isandaang libong turista mula pa lamang sa visa-free countries.
Kaya inaasahang tataas pa ito pagdating ng Abril kasabay ng pagbubukas ng borders ng Pilipinas para sa lahat ng foreign tourists.
Tiniyak naman ng Bureau of Immigration na nakahanda na ito sa pagdagsa ng mga pasahero sa mga Paliparan.
Tinatayang aabot pa ng hanggang labindalawang libo kada araw ang mga air traveller na darating sa bansa.
“Daily po nasa 10,000 ang dumarating sa bansa which is what we are expecting. Nakikita natin na unti-unti pa itong tataas. We are expecting na tumaas pa ito up to 12,000 per day. Marami pong mga foreign national na maaring pumunta dito to spend the summer season here in the Philippines,” ani Dana Krizia Sandoval, Spokesperson, Bureau of Immigration.
Samantala, nagbabala naman ang Immigration Bureau kaugnay ng love scam. Ito ay isang modus operandi na tinatarget ang mga Pilipino na naghahanap ng ka-partner na foreign national online.
Payo ng BI, agad na makipag-ugnayan sa ahensya kung kahina-hinala ang foreign national na kanilang nakakausap sa alinmang social media platform.
“Maari po nilang pa-check kung totoo po na may foreign national that’s being excluded sa ating mga airports. Ang numbers po, ang kanilang contact inforamation ng ating iba’t ibang airport nationwide can be seen sa aiting website so they can coordnate directly para i-verify po kung may ganoong foreign national,” pahayag ni Sandoval.
Kung sakaling fake ang identity ng nasabing foreign national, i-report agad ito sa ahensya upang maimbestigahan at mahuli ang mga nasa likod ng nasabing scam.
Aileen Cerudo | UNTV News
Tags: Department of Tourism