Humarap sa pinatawag na pagdinig ng Senado ngayong araw ang mga opisyal ng Department of Transportation upang magpaliwanag kaugnay sa mga kinkaharap na problema sa transportasyon ng bansa lalo na sa MRT.
Agad na sinalubong ng panibagong aberya ang mahigit sa isang libong mga pasahero ng MRT-3 kaninang umaga. Sa mga larawang kuha ni Michael Ranque, makikita na muli na namang pinababa sa riles ang mga na-istranded na pasahero.
Batay sa abiso ng MRT management, nagkaroon ng electrical failure sa preno ng tren kaya’t muli na namang itong tumirik.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services, muling binusisi ni Senator Grace Poe ang mga aberya sa operasyon ng MRT.
Ayon sa MRT management, sa kasalukuyan ay umaabot na lamang sa pitong ang tren ang kayang patakbuhin araw-araw.
Subalit ayon kay DOTr Undersecratry For Railways Timothy John Batan, target nila na itaas ito sa sampu ngayong katapusan ng Pebrero dahil parating na ang inorder na piyesa mula sa ibang bansa. Aabot naman aniya sa labing limang tren ang kaya nilang patakbuhin kapag natapos ang general maintenance sa Marso.
Samantala, pinagdebatehan rin sa pagdinig ang isyu ng pagiging overweight ng Dalian trains.
Pero ayon sa isang Rail Technical Consultant na si Rolf Bieri na dati na ring nagmanage ng MRT-3, hindi overweight ang Dalian trains.
Depensa naman ng DOTr, nakasaad sa kontrata na dapat ay 46.3 tons lamang ang bigat ng kada bagon ng tren, subalit nasa 49.7 tons ang bigat ng naideliver na Dalian trains.
Hindi rin sinang-ayunan ng railway expert na si Engineer Rene Santiago ang pahayag ni Bieri.
Sa ngayon ay patuloy ang ginagawang test run at assesment ng independent audit team na TUV Rheinland sa Dalian trains.
Inaasahan namang ilalabas ng independent audit team ang kanilang assesment sa katapusan ng Pebrero upang matukoy kung posible pang mapakinabangan ang mga biniling train mula sa China.
( Joan Nano / UNTV Correspondent )