Bilang ng mga tumatakbong tren ng MRT-3, inaasahang madaragdagan sa Hulyo 2019

by Radyo La Verdad | November 9, 2018 (Friday) | 6194

Matapos na mapirmahan ang 18-billion peso loan agreement para sa rehabilitasyon ng MRT-3, asahan na ng mga pasahero ang sunod-sunod na pagbabago sa serbisyo ng naturang train system ayon sa Department of Transportation (DOTr).

Ayon kay Transportation Undersecretary for Railways Timothy John Batan, magsisimula ang gagawing rehabilitasyon sa Enero 2019.

Aniya unti-unting mararamdaman ng mga pasahero ang pagbuti ng serbisyo ng MRT-3 pagsapit ng Hulyo sa susunod na taon.

Kahapon, pormal nang nilagdaan ng Department of Finance (DOJ) at Japan International Cooperation Agency ang loan agreement para sa pagsasaayos ng MRT-3. Nakapaloob dito ang pagpapalit ng bagong riles, general overhaul sa higit pitumpung bagon, pagpapaibayo sa power supply at signalling system, gayundin ang pagsasaayos sa mga elevator at escalator at pagpapaganda sa bawat istasyon ng MRT.

Sasagutin ng loan agreement ang walumpung porsyento ng MRT rehabilitation project, habang 20 porsyento naman gagastusan ng Pilipinas.

Target ng pamahalaan na makumpleto ang rehabilitasyon ng MRT-3 sa unang quarter ng 2021.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,