Nakipagkita kay AFP Chief of Staff General Rey Leonardo Guerrero ang dalawang daan at labinlimang dating miyembro ng New People’s Army na sumuko sa pamahalaan.
Ang naturang bilang ay bahagi lamang ng 683 rebelde na sumuko sa pamahalaan mula Setyembre ng nakaraang taon at nakipagkita kay Pangulong Duterte noong Dec. 21 sa Davao City.
Ayon kay 701st Brigade Commander BGen. Reuben James Basiao, sa 215 surrenderees, mayroong dalawang commanding officer na nag-ooperate sa Davao Oriental at Compostela Valley.
Ayon kay Gen. Basiao, sa 683 na sumuko, nasa 40 ang qualified at nagpahayag ng kagustuhang maging miyembro ng Armed Forces of the Philippines.
Nasa 50 long at short firearms din ang kanilang isinuko na tinumbasan naman ng monetary reward ng pamahalaan.
Ayon sa isa sa mga sumukong rebelde, hindi na nila kaya ang hirap ng buhay sa bundok at hindi rin aniya tinupad ng kilusan ang mga ipinangako sa kanila.
Ang mga sumukong NPA ay dumadaan sa 10 days deradicalization program at 30 days na livelihood program upang mabago ang kanilang perspektibo sa buhay.
( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )
Tags: AFP, NPA, sumukong miyembro