Bilang ng mga Pilipinong nasisiyahan sa pamumuno ni Pangulong Duterte, bumaba- SWS survey

by Radyo La Verdad | October 9, 2017 (Monday) | 6343

18 puntos ang ibinaba ng net satisfaction rating ni Pangulong Rodrigo Duterte batay sa pinakahuling Survey ng Social Weather Stations na inilabas nito noong Sabado. Ibig sabihin, bumaba ang bilang ng mga Pilipinong nasisiyahan sa pamamamalakad ng Pangulo sa bansa.

Mula 66% o very good net satisfaction rating noong June 2017, naging 48% na lang ito o good net satisfaction rating ngayong buwan ng Setyembre. Isinagawa ang survey sa 1,500 respondents sa buong bansa noong September 23 hanggang 27, 2017.

Bumaba ang net satisfaction rating ng Pangulo sa Visayas, Luzon at Metro Manila subalit nanatiling mataas sa Mindanao. Bukod dito, bumaba rin ang net trust rating ng punong ehekutibo o ang bilang ng mga Pilipinong nagtitiwala sa pamumuno nito. 15 puntos ang ibinaba mula 75 percent noong Hunyo, naging 60% na lamang ito o very good trust rating.

Mataas ang naitalang tiwala ng publiko kay Pangulong Duterte ng magkakasunod na limang quarters ng panunungkulan nito subalit bumaba pagdating ng buwan ng Setyembre.

Paglilinaw ng SWS, non-commissioned ang naturang survey hinggil sa Pangulo at bahagi anila ito ng inisyatibo ng SWS at serbisyo publiko.

 

( Macky Libradilla / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,