Bilang ng mga Pilipinong nasisiyahan sa pagganap ng tungkulin ni Pangulong Duterte, tumaas- SWS survey

by Radyo La Verdad | October 1, 2018 (Monday) | 2665

Nabawi na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang very good satisfaction rating nito batay sa pinakahuling survey ng social weather stations (SWS).

Sa third quarter 2018 SWS survey, 70% ang nagsasabing nasisiyahan sila sa performance ni Pangulong Duterte, 16% ang hindi nasisiyahan, samantalang 14% naman ang hindi makapagdesisyon.

Kaya ang net satisfaction rating ng punong ehekutibo ay pumalo sa positive 54%. Mas ito mataas ng siyam na puntos kumpara sa kanyang pinakamababang satisfation rating na positive 45% na naitala noong buwan ng Hunyo. Pare-parehong tumaas ang grado ng Pangulo sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.

Ayon naman kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, ang very good satisfaction rating ni Pangulong Duterte ngayong buwan ng Setyembre ay repleksyon na nakikita ng publiko na nagtatrabaho ang Pangulo sa gitna ng aniya’y ingay sa pulitika.

Samantala, kasama rin sa September 2018 survey questionaire ng SWS kung ano ang tingin ng publiko sa ilang kontrobersyal na pahayag ni Pangulong Duterte; tulad ng pagtuligsa nito sa dios at mga aral ng Simbahang Katolika at ang rape cases sa Davao City.

Batay sa survey, 83% ng mga Pilipino ang itinuturing na bulgar o bastos ang pronouncement ng punong ehekutibo laban sa Simbahang Katolika, samantalang 63% din ang dismayado sa sinabi nitong biro na kaya maraming nahahalay na babae sa Davao City ay dahil sa maraming magagandang babae sa lungsod.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,