Bilang ng mga Pilipinong nagsasabing sila’y mahirap, mas dumami sa buwan ng Setyembre – SWS

by Radyo La Verdad | October 10, 2018 (Wednesday) | 2986

Mas dumami ang bilang ng mga Pilipinong nagsasabing sila’y mahirap batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS).

52 porsyento o tinatayang nasa 12.2 milyong pamilya ang ikinukunsidera ang kanilang sarili na mahihirap batay sa September 2018 self-rated poverty survey result ng SWS.

Apat na puntos na mas mataas ito sa 48 percent ratings noong June 2018 at pinakamataas ito sa self-rated poverty sa loob ng apat na taon.

Batay din sa ulat, pinakamataas ang bilang ng mga Pilipinong nagsasabing sila’y mahihirap ay sa Luzon at sa Mindanao.

Bumaba naman ang bilang ng mga kinukunsiderang sila’y mahihirap sa Metro Manila at ‘di nagbago ang data sa Visayas.

Samantala, nagpahayag naman ng pagkabahala ang Malacañang sa resultang ito ng self-rated poverty survey.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nauunawaan ng pamahalaan ang sentimyento ng mga kababayan at malaki aniya ang naging epekto ng nagdaang Bagyong Ompong sa pagtaas ng inflation at self-rated poverty sa North Luzon.

Kaya naman gumagawa na aniya ng mga paraan ang pamahalaan upang ibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin kabilang na pagtatanggal ng restriksyon at limitasyon sa pag-aangkat ng bigas.

 

 

 

 

 

Tags: , ,