Bilang ng mga Pilipinong nabiktima ng krimen, bumaba – SWS survey

by Radyo La Verdad | June 22, 2018 (Friday) | 2927

Ramdam ng mga eatery owner sa Barangay Sto. Nino, Quezon City ang pagpapaigting ng seguridad sa kanilang lugar.

Si Aling Melissa, nakaranas nang manakawan may apat na taon na ang nakakaraan pero nagpapasalamat siya dahil hindi na ito naulit. Gayunman palagi pa rin silang nag-iingat.

Si Rommel naman, naniniwalang nagdadalawang-isip ng maghasik ng karahasan ang mga masasamang loob dahil sa police visibility.

Ayon naman sa mga opisyal ng barangay, dumami ang nagbukas ng negosyo dahil sa magandang peace and order situation sa lugar.

Batay sa Survey ng Social Weather Stations (SWS), nasa 6.6% o tinatayang isa’t kalahating milyong pamilyang Pilipino ang nagsabing nakaranas silang maging biktima ng krimen. Mas mababa ito ng isang puntos kumpara sa Disyembre 2017 survey.

Sa bilang na ito, 6.1 percent ang naging biktima ng property crimes tulad ng pagnanakaw at carnapping samantalang 0.6 percent ang nagsasabing naging biktima sila ng pananakit.

Ayon naman sa Malacañang, ang pagbaba ng antas ng krimen ang mabuting epekto ng anti-illegal drugs at anti-crime campaign ng pamahalaan.

Ang feedback din aniya na nagmumula sa publiko ay mabuting ulat upang udyukan pa ang mga tauhan ng law enforcement agencies na pagbutihin ang kanilang trabaho.

Tiniyak naman ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na magpapatuloy ang pamahalaan sa pagtitiyak ng seguridad ng mga Pilipino.

Tiniyak naman ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na magpapatuloy ang pamahalaan sa pagtitiyak ng seguridad ng mga Pilipino.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,