Bilang ng mga papataying manok kaugnay sa Bird flu outbreak, aabot na sa 600K

by Radyo La Verdad | August 17, 2017 (Thursday) | 2956

Nasa 400 sundalo ang ipadadala ng AFP para sa culling operation ng Department of Agriculture sa lugar na may avian flu outbreak sa San Luis, Pampanga.

Ayon kay Secretary Manny Piñol, hiningi na niya ang tulong ng militar dahil aabot na sa 600K manok, itik at iba pang ibon and papatayin.

Nagkusa na aniya maging ang mga may-ari ng poultry farm na nasa loob naman ng 7-km controlled zone na isama na sa papatayin ang kanilang mga alaga.

Dahil dito ay aabot na sa P52.8M ang babayaran ng DA para sa mga papataying hayop mula 36 na farms at mula sa mga native na alaga. Sa ngayon ay nasa 73 libo na ang napapatay sa culling operation ng DA.

Ayon naman kay Candaba Mayor Danilo Baylon, apektado na ang hanapbuhay ng nasa 500 mag-iitik sa nasasakupan nito. Isa aniya ang Candaba sa mga pangunahing supplyer ng itlog subalit ngayon ay bumaba pa ang presyo nito sa 6.50 pesos mula sa dating 7 pesos.

Nauna rito ay humiling na ang grupo ng mga nag-aalaga ng manok na alisin na ang ban sa pagbyahe ng manok palabas ng Luzon.

  

(Rey Pelayo / UNTV Correspondent)

 

Tags: , ,