Bilang ng mga nasawi sa Bagyong Tisoy, umabot na sa 17

by Erika Endraca | December 5, 2019 (Thursday) | 13469

METRO MANILA – Umabot na sa 17 ang naiulat na nasawi dahil sa pananalasa ni Bagyong Tisoy sa ilang bahagi ng bansa.

Ayon sa datos ng regional offices ng Philippine National Police (PNP), 5 ang kumpirmadong nasawi sa Bicol region habang 1 naman ang sugatan.

5 rin ang nasawi sa Oriental Mindoro habang 2 naman sa Marinduque. May naitala ring nasawi sa Ormoc City sa Leyte.

Habang 3 naman ang naiulat na namatay sa Quezon Province. Karamihan umano sa mga nasawi ay nabagsakan ng puno, nalunod, o inatake sa puso.

Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Spokesperson Mark Timbal, patuloy ang kanilang pagberipika sa mga napabalitang nasawi dahil bibigyan ng ayuda ang mga pamilya nito.

P20,000 ayuda ang matatanggap ng mga pamilya ng mga nasawi habang P10,000 naman para sa mga nasaktan dahil sa bagyo. Patuloy pa rin aniya ang kanilang damage assessment sa mga napinsalang imprastruktura at agrikultura.

“Yung assessment po sa Bicol at sa Samar provinces na dinaanan ng bagyo, ongoing. At nakikita po natin po natin na ‘yung mga reports na nagkaroon ng mga pagbaha doon sa area, at ito po’y unti-unting pinapadala sa atin ng mga kasamahan natin from the ground.” ani NDRRMC Spokesperson, Mark Timbal.

Sa huling tala ng NDRRMC, nasa mahigit 100,000 pamilya o halos 500,000 indibidwal ang inilikas sa kanilang mga tirahan sa Region 3, 5, 8, NCR at Mimaropa.

Muli namang sinigurado ng NDRRMC na nakahanda ang kanilang relief goods sakaling mangailangan na ng karagdagang suplay ang mga nasalantang probinsya maging ang mga lugar na isinailalim na sa state of calamity.

(Harlene Delgado | UNTV News)

Tags: , ,