Bilang ng mga nasawi dahil sa leptospirosis mula noong Enero, 99 na

by Radyo La Verdad | July 2, 2018 (Monday) | 2871

Hindi akalain ni Mang Roque na ang simpleng lagnat ng kanyang misis ay senyales na pala ng sakit na leptospirosis. Nasawi ito ilang araw matapos itong lumusong sa hanggang bewang na baha sa kanilang lugar.

Ayon kay Mang Roque, nadala pa umano nila sa ospital ang kanyang asawa pero wala na ring nagawa pa ang mga doktor dahil nagkaroon na ito ng kumplikasyon.

Base sa datos ng Department of Health (DOH), 99 na ang bilang ng mga nasawi sa leptospirosis mula Enero ngayong taon. Punong-puno na rin ang mga ospital sa biglang paglobo ng bilang mga nagkakakit ng leptospirosos na tumaas ng 41%. Naitala ang pinakamaraming kaso ng leptospirosis sa Regions 6, 9 at Caraga.

Ayon sa DOH, hindi birong sakit ang leptospirosis. Nakukuha ito kapag pumasok sa katawan ng isang tao ang leptopira bacteria na galing sa dumi o ihi ng isang mga hayop. Kadalasang nagkakasakit nito ay ang mga taong may sugat na lumusong sa tubig baha.

Kabilang sa mga sintomas nito ay ang lagnat, pananakit ng katawan at pamumula ng mata. Wala pang bakuna laban sa sakit na leptospirosis pero maaaring magamot kapag naagapan.

Kaya payo ng DOH, kapag nakaramdam ng mga nasabing sintomas 7-10 araw matapos lumusong sa baha ay agad nang magpakonsulta sa doktor.

 

( Grace Casin / UNTV Correspondent )

Tags: , ,