Bilang ng mga naputukan, umabot na sa 13 simula noong Biyernes

by Jeck Deocampo | December 25, 2018 (Tuesday) | 12050
File photo

METRO MANILA, Philippines – Umakyat na sa 13 ang fireworks-related injuries simula noong ika-21 ng Disyembre hanggang kaninang alas-5:59 ng umaga batay sa tala ng Department of Health.

11 sa mga kaso ay mga lalake na nasa 2 hanggang 28 taong gulang. Ang mga pinsala na natamo ng mga biktima ay dulot ng boga, kwitis, 5-star, camara, kwitis at piccolo.

8 sa mga nasaktan ay nasabugan ng paputok. Isang kaso ang kinailangang putulan ng bahagi ng katawan dahil sa pinsalang natamo at 5 naman ang nagkaroon ng eye injury. Wala namang dagdag na kaso ng fireworks ingestion. Nakauwi na rin ang 3 taong gulang na batang babaeng na-admit sa UP-PGH dahil nakalunok ng bahagi ng paputok na flash bomb. 

Lahat ng mga kaso nabigyan ng sapat na atensyong medical. Nabigyan ang mga pasyente ng anti-tetanus serum at nalinis rin ang kanilang mga tinamong sugat.

Bagama’t mahigit na sa 10 ang kaso simula noong Biyernes, mas mababa pa rin ng 20 kaso o 61% kung ikukumpara noong 2017. Mas mababa rin ng 45 ang mga kaso o 78% kumpara sa nakalipas na 5 taon.

Inaasahahan ng DOH na tataas pa ang bilang ng mga kaso mula ika-25 hanggang ika-31 ng Disyembre.  Mas mababa na ito kung ikukumpara sa kabuoang naitalang kaso na 463 noong nakaraang taon.

Nakataas ang code white alert hanggang ika-4 ng Enero ang 70 DOH-retained hospitals sa bansa at 17 regional offices upang tumugon sa lahat ng emergency cases ngayong holiday season.

(Aiko Miguel | UNTV News)

Tags: , , , ,