Bilang ng mga naninigarilyo, posibleng madagdagan pa sa 2018 – Health groups

by Radyo La Verdad | November 21, 2017 (Tuesday) | 2561

Nangangamba ang ilang Health groups at doktor na posibleng madagdagan pa ng dalawang daang libo ang Filipino smokers sa 2018.

At sa loob ng anim na taon, maaari pa itong umakyat sa isang milyon kapag hindi naitaas ang buwis sa tobacco products sa bansa.

Isa ang Pilipinas sa may pinakamababang presyo ng sigarilyo sa Asya batay sa pag- aaral ng mga Health group. Halos wala pang isang dolyar ang halaga ng kada pakete nito at madali pang makabili kahit saan.

Sa kasalukuyan, nakabinbin sa senado ang mga panukalang batas na isinumite nina Sen. Manny Pacquiao at Senator JV Ejercito.

Sa ilalim naman ng Senate bill 1599 o ang An Act Raising the Excise Tax on Tobacco Products, layon nitong gawing 60 pesos kada pakete ng lahat ng sigarilyo habang sa panukala naman ni Sen. JV Ejercito ay nais niyang maitaas sa 90 pesos ang kada kaha nito.

Pabor dito ang grupong Action on Smoking Health o ASH. Anila, kung hindi na abot-kaya ang presyo ng sigarilyo ay maaaring marami na ang titigil sa bisyong ito lalo na ang mga kabataan.

Suportado din ng mga grupo ng doktor at mga dating kalihim ng Department of Health na maitaas ang buwis sa mga sigrailyo lalo na’t makakadagdag din ito sa revenue collection ng pamahalaan para mailaan sa Universal health care ng mga Pilipino.

Umaasa naman ang mga ito na maisulong sa senado ang mga naturang panukala sa lalong madaling panahon.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,