Bilang ng mga nag-enroll ngayong School Year 2021-2022, tumaas ng 4% – DepEd

by Radyo La Verdad | November 19, 2021 (Friday) | 8937

METRO MANILA – Nakapagtala ang Department of Education (DepEd) ng 27,232,095 enrollees sa taong panuruan 2021-2022. Mas mataas ito ng halos 4% kumpara noong nakaraang taon.

Batay sa datos ng Learner Information System noong November 15, 3.83% o 1,005,073 na mga bata ang nadagdag na tumuloy sa pag-aaral.

Dagdag pa rito, sa kabuuang nag-enroll sa mga pampublikong paaralan, nadagdagan ito ng 1,187,632 o 5.23% kumpara noong nakaraang taon.

Napansin din ng DepEd na mas marami pang mga estudyante na nag-aral sa mga pampublikong paaralan ang lumipat sa mga pribadong paaralan kumpara sa mga mag-aaral na dating nag-aral sa pribadong paaralan na lumipat sa mga pampublikong paaralan.

Nakita din ng ahensya na bumaba sa halos 60% ang mga mag-aaral na nag-enroll sa ilalim ng Alternative Learning System na umaabot nalang sa 239,616 hanggang sa 359,749 na mag-aaral.

Ang nasabing datos ay hindi pa pinal dahil mayroon pang 520 na paaralan ang hindi pa nakakapag-update ng kanilang enrollment profile at hinihintay na lamang nila ito na makapagpasa hanggang sa huling araw ng Nobyembre.

Inaasahan ng DepEd na aabot sa 28 milyon ang bilang ng mga enrollee sa pagpapatuloy ng enrollment updating hanggang sa katapusan ng Nobyembre at maglalabas sila ng pagsusuri ukol dito.

(Judren Soriano | La Verdad Correspondent)

Tags: