Bilang ng mga nababakunahan sa bansa, tumataas kahit kulang ang supply ng bakuna — NTF

by Erika Endraca | June 11, 2021 (Friday) | 1694

METRO MANILA – Batay sa ulat ng National Task Force Against COVID-19, nasa 100,000 individuals na ang average daily vaccination rate ng bansa.

Ayon kay NTF Deputy Chief Implemeter at Testing Czar Secretary Vince Dizon, kamakailan ay umabot pa ito sa halos 220,000 sa loob lang ng isang araw.

At kung magtutuloy-tuloy ang pagdating ng mga bakuna, kumpyansa ang kalihim na maaabot ng bansa ang vaccinate rate target na 500,00 per day pagdating ng hulyo.

“Mas marami nang bakunahan ang ating mga LGU at gumagaling na rin talaga an gating mga LGU sa pagbabakuna. Kaya tayo, kampante tayo na magkaroon lang ng supply na tuloy-tuloy at madami, eh talagang aabot tayo sa punto na mami-meet natin yung daily target natin.” ani NTF vs COVID-19 Testing Czar/Deputy Chief Implementer Sec Vince Dizon.

Kahapon, dumating na ang karagdagang 1M doses ng Sinovac vaccines na binili ng Pilpinas sa China at 2.2 Million doses ng Pfizer na mula naman sa Covax facility.

Ayon sa National Task Force Against COVID-19, simula na ito ng sunod sunod na shipment ng mga bakuna kung saan makatatanggap na rin ang mga pribadong sektor ng COVID-19 vaccines.

“Sa pagkakaalam ko, ngayong buwan darating na ang moderna ngayong June 21. May kasamang private sector doses doon. Ang next month, nagsabi si secretary conception na darating sa July ang Astrazeneca for the private sector at mga LGU.” ani NTF vs COVID-19 Testing Czar/Deputy Chief Implementer Sec Vince Dizon.

(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)

Tags: