Bilang ng mga hotels at resorts sa Boracay, mas mahigit sa naiulat na carrying capacity ng isla – DENR

by Radyo La Verdad | September 28, 2018 (Friday) | 3083

Isang buwan bago ang soft opening ng Boracay Island sa mga foreign at local tourists ay patuloy ang ginagawang rehabilitasyon ng pamahalaan sa isla.

Sa huling pagdinig ng House  Committee on Natural Resources, iprinisenta ng DENR ang resulta ng kanilang pag-aaral hinggil sa carrying capacity ng Boracay Island.

Dito napag-alaman na mas higit ang bilang ng mga hotels at resorts sa Boracay kumpara sa aktuwal na carrying capacity ng isla.

Batay din sa carrying capacity ng Boracay, 19,215 tourists lamang ang papayagang manatili sa Boracay sa loob ng isang araw.

Napag-alaman din ng DENR na ang kabuoang bilang ng mga residente, workers at tourists ay higit na mataas kumpara sa actual carrying capacity ng Boracay Island.

Bagaman isang buwan na lamang ang natitira bago ang soft opening sa ika-26 ng Oktubre, tanging 25 hotels at resorts pa lamang ang compliant sa lahat ng mga requirements ng DENR, DILG at DOT.

Gayunpaman, sinabi rin ni DOT Secretary Bernadette Puyat na wala namang deadline ang pagcomply ng mga requirements na hinihingi ng kanilang ahensya.

Matapos ang congressional hearing ay pinag-aaralan na rin ngayon ng Committee on Natural Resources ang pagtatatag ng isang development authority na mamamahala sa pamamalakad at pagpapaunlad ng Boracay Island.

Sa ngayon ay pinag-uusapan na rin ng Boracay Interagency Task Force sa pangunguna ng tatlong kalihim ng DENR, DILG at DOT ang mga hakbang na gagawin bilang paghahanda naman sa dry run na gagawin sa ika-15 hanggang ika-25 ng Oktubre at sa soft opening sa ika-26 ng Oktubre.

 

( Vincent Arboleda / UNTV Correspondent )

Tags: , ,