Bilang ng mga election violent incident, posibleng tumaas pa – PNP

by Radyo La Verdad | May 16, 2018 (Wednesday) | 3836

Isa ang patay habang ilang tao ang sugatan sa naitalang walong insidente ng karahasan sa mismong araw ng eleksyon noong Lunes.

Pero ayon sa Philippine National Police (PNP), pinangangambahang tumaas pa ang bilang nito kapag natapos nilang kolektahin ang lahat ng datos mula sa kanilang mga regional office.

Ayon sa PNP, karamihan ng karahasan ay naitala sa Maguindanao, South Cotabato at Lanao del Sur.

Sa kabuuan, simula sa ika-14 ng Abril hanggang ika-15 ng Mayo, sa limampu’t pitong violent incident sa election period, nasa pito pa lamang ang kumpirmadong election related.

Tatlumpu’t walo naman dito ay shooting incident o pamamaril, may ilang kaso ng kidnapping, arson, harassment, illegal detention at ambush. Tatlumpu’t lima naman ang naiulat na napatay sa buong election period.

Sa tatlumpu’t limang bilang ng mga napatay, labing tatlo dito ay kumpirmadong election related.

Subalit ayon kay PNP Chief PDG Oscar Albayalde, isolated lamang ang mga kaso ng pagpatay kung kayat maituturing na generally peaceful ang eleksyon.

Patuloy namang iimbistigahan ng PNP ang mga nanalong kandidato na kabilang sa narco list.

Ipagpapatuloy ng PNP ang case build up sa mga naturang kandidato.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,