Bilang ng mga drug user at pusher na boluntaryong sumusuko, patuloy na tumataas

by Radyo La Verdad | July 6, 2016 (Wednesday) | 1632

Cmpek13UIAAOgTL
Boluntaryong sumuko kanina sa Mandaluyong City Police ang mahigit sa pitumpung drug addict at 13 tulak ng iligal na droga sa Brgy. Mabini J. Rizal kaugnay ng ipinatutupad na oplan tukhang ng Philippine National Police sa buong bansa.

Kagabi, isa-isang kinatok ng mga opisyal ng barangay ang bahay ng mga drug user at pusher sa Brgy. Mabini J.Rizal sa Mandaluyong City, upang pakiusapan ang mga ito na itigil na ang paggamit ng bawal na gamot at kusang sumuko sa mga otoridad.

Kanina tinipon ang mga ito sa covered court ng brgy, kung saan kinuhanan ang mga ito ng kanilang personal record, at sumumpa na hindi na muling gagamit ng droga.

Ayon sa ilang drug user at pusher sa Mandaluyong City, nagdesisyon sila na boluntaryong sumuko sa mga otoridad dahil sa kagustuhan nilang magbagong buhay at bilang pakikiisa na rin sa hangarin ni Pangulong Duterte na masugpo ang iligal na droga sa bansa.

Imomonitor naman ng brgy. officials at mga pulis ang mga sumukong gumagamit ng illegal drugs kung saan tuwing linggo ay kinakailangang nilang magreport sa barangay at makilahok sa Zumba dance, upang maibalik ang kanilang healthy lifestyle.

Bibigyan rin ang mga ito ng maayos na hanapbuhay.

Samantala, umabot naman sa mahigit dalawang daang indibidwal na umanoy sangkot sa iligal na droga mula sa iba’t-ibang mga lugar sa davao ang sumurender kahapon sa pulisya.

Naging matagumpay naman ang unang araw ng pagsisimula ng oplan tukhang operation sa bayan ng Sta. Rosa sa Nueva Ecija, kung saan nasa 20 drug user at pusher ang kusang sumuko sa mga pulis.

Naniniwala ang Sta.Rosa PNP, na malaki ang maitutulong ng progrmang ito, upang mabawasan ang krimen at matulungan na makapagbagong buhay ang mga kababayan nating nalulong sa ipinagbabawal na gamot.

(Joan Nano / UNTV Correspondent)

Tags: , ,