Bilang ng mga bus sa EDSA Bus Carousel, binawasan ng LTFRB

by Radyo La Verdad | January 4, 2023 (Wednesday) | 19772

METRO MANILA – Mula sa dating 758 na mga bus unit na bumibiyahe sa Edsa carousel, ginawa na lamang itong 550 units ngayong tapos na ang libreng sakay at holiday season.

Ayon kay LTFRB Technical Divison Head Joel Bolano, ito talaga ang orihinal na bilang ng mga bus unit na pinayagan na bumiyahe simula pa nang ilunsad ang Edsa busway.

Bukod dito ipinatigil na rin ang biyahe ng mga Point-to-Point (P2P) bus na una nang pinayagang bumiyahe sa Edsa busway sa pamamagitan ng special permit.

Bagaman binawasan na ang bilang nga mga bus na bibiyahe sa Edsa carousel, tiniyak ng LTFRB na may masasakyan pa rin ang mga pasahero anomang oras dahil mananatili pa ring 24/7 ang operasyon ng mga bus.

Bukod dito inaasahan rin ng ahensya na mababawasan na ang bilang ng mga commuter ngayong lumipas na ang holiday season.

Gayunman, patuloy pa ring oobserbahan ng LTFRB hanggang sa susunod na Linggo kung talagang sapat na ang bilang ng mga bus na nakadeploy sa busway o kailangan pa rin itong dagdagan.

Bagaman aminado ang ilang pasahero na mas mahal ang bayad sa Edsa busway, mas pinipili pa rin nila ang sumakay dito dahil mabilis anila ang biyahe.

Batay sa fare matrix nasa P15-P75 ang singil sa Edsa busway mula Monumento hanggang PITX.

Payo ng LTFRB na kung sakaling may mga bus na maniningil ng labis sa fare matrix, i-report agad sa kanilang tanggapan upang maaksyunan at mapatawan ng karampatang parusa ang sino mang lalabag dito.

(JP Nunez | UNTV News_)

Tags: ,