Muling binusisi ng House Comiittee on Transportation ang umano’y kwestionableng sistema at legalidad ng operasyon ng mga Transport Network Company sa bansa.
Nais ng mga mambabatas na bumuo ng mga regulasyon at patakaran na magsasaayos sa operasyon ng Uber, Grab at UHop sa Pilipinas.
Isa sa plano ng LTFRB at ng Kongreso na limitahan ang bilang ng mga TNVS na bumibiyahe sa mga lansangan upang maiwasan ang lalo pang pagbigat ng trapiko.
Ayon kay Committee Chairman Congressman Cesar Sarmiento, tila hindi na nasusunod ang orihinal na layunin ng mga TNC na magsilbing ride-sharing vehicle sa halip ay nagiging negosyo na aniya ito ng marami.
Inamin kanina ng Grab na sa ngayon ay umaabot na sa mahigit 52- libo ang kanilang accredited na mga sasakyan.
Habang nasa 66 na libo naman ang sa uber at higit sa isang libo naman ang UHop.
Ikinagulat naman ni LTFRB Chairman Martin Delgra ang nasabing mga bilang at sinabing sobra na ito sa demand ng mga pasahero.
Batay sa mga impormasyong isinumite ng Uber at Grab sa LTFRB, lumabas na nasa 12-15 libo lamang ang demand ng pasahero sa TNVS kada oras.
Tinuligsa naman ni Leyte 3rd District Congressman Vicente Veloso, ang Uber at Grab at sinabing may pananagutan ang mga ito sa batas dahil sa patuloy na pago-operate kahit na walang prangkisa ang karamihan.
Sa datos ng LTFRB, nasa 35 mga colorum na Uber at Grab na ang kanilang nahuhuli sa kanilang anti-colorum operations
Sa darating na Setyembre nakatakdang maglabas ang LTFRB ng memorandum order na inaasahang makareresolba sa mga isyung kinakaharap ng Uber at Grab at ng libo-libong mga TNVS na walang prangkisa”
(Joan Nano / UNTV Correspondent)