Bilang ng mga biktima ng paputok, umakyat na sa 29

by Radyo La Verdad | December 27, 2017 (Wednesday) | 3449

Umakyat na sa dalawampu’t siyam ang bilang ng firecracker- related injuries sa bansa ilang araw bago ang pagpapalit ng taon.

Batay sa ulat sa DOH sentinel sites, simula December 21 hanggang kahapon ng alas sais ng umaga, labing walo sa mga ito ang naitala sa National Capital Region.

Tatlo sa mga ito ang naputulan ng daliri sa kamay. Ngunit nadagadagdan man ang bilang ng mga biktima ng paputok, mas mababa pa rin ito kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Isa sa mga naputulan ng daliri sa kamay ang 29 na taong gulang na lalaki sa Basista, Pangasinan na nasabugan ng pinapaputok na boga. Naputulan din ng daliri sa kamay ang isang dose anyos na lalaki sa Talisay, Negros Occidental dahil sa pagpapaputok ng whitsle bomb. Itinakbo naman sa East Avenue Medical Center ang isang senior citizen na nabiktima rin ng whistle bomb.

Handa namang magbigay ng medical assistance ang DOH sa mga biktima sa lahat ng government hospitals sa bansa at saklaw ng PhilHealth coverage ang mga ito depende sa case rate ng matatamong injury dulot ng paputok.

Samantala, 19 sa mga injuries ay natamo dahil sa piccolo, 2 sanhi ng boga, 2 dahil sa whistle bomb at ilan pang ipinagbabawal na paputok.

Kaya naman muling nagbabala ang DOH sa publiko lalo na sa mga kabataan sa huwag nang magpaputok pa at sumama na lang sa community based- fireworks display na itatalaga ng mga lokal na pamahalaan.

Lilikumin din ng DOH ang listahan ng firecracker zones ng mga LGU upang ma-monitor ang pagapaptupad sa EO No. 28 o ang firecracker ban.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,