Bilang ng mga biktima ng paputok, umabot na sa 98

by Radyo La Verdad | December 29, 2017 (Friday) | 3641

Muling nagpaalala ang Department of Health sa publiko na salubungin ang pagpapalit ng taon ng ligtas, mapayapa at kumpleto ang mga bahagi ng katawan. Sa ngayon, muling nadagdagan ang bilang ng mga biktima ng paputok sa bansa na umabot na sa 98.

Kabilang sa mga nadagdag ang labing tatlong taong gulang mula sa Negros Occidental na naputulan ng daliri sa kanang kamay dahil sa pagpapaputok ng bazooka. Pang-apat na ito sa kaso ng mga napuputulan ng daliri sa kamay.

Bukod dito, nagpaalala rin ang DOH sa mga may respiratory illnesses gaya ng hika at pulmonary diseases gaya ng bronchitis. Dapat na manatili na lang sa loob na lang ng bahay at isara ang mga bintana upang hindi pumasok ang usok mula sa fireworks at firecrackers.

Maaari ring magsuot ng surgical o face masks o humanap ng malinis na panyo o bimpong pantakip sa ilong upang hindi makalanghap ng usok.

May sapat din dapat na suplay ng gamot o kaya ay may inhaler at nebulizer na nakahanda sa bahay sakaling nakakaramdam na ng mga sintomas ng pag-atake ng sakit.

Ayon sa DOH, wala namang naitatalang pagtaas ng mga bilang ng mga naoospital dahil sa hirap sa paghinga dulot sa usok ng mga paputok, ngunit nakahanda pa rin ang mga sentinel sites upang tugunan ang mga ganitong kaso.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,